Demo Site

Wednesday, November 12, 2008

REMEMBERED

And I will surely miss them.




Pero di pa ako patay. Marahil kung nabasa mo ang entry ko sa ibaba, siguro magtatanong ka rin kung mamatay na ba ako. Hindi ko din alam kung bakit nagkaroon ako ng interes sa title ng artikulo na iyan sa isang journal ng amo ko. Pero palagay ko, dito nagsimula kung papano ako laruin ng mga pangitain na nagdulot sa akin at sa buong pamilya ko ng isang dagok sa buhay na ngayon lang nanamin pinagdadaanan.



Ilang linggo makalipas ko gawin ang nakaraang entry, lagi kong naaalala ang paparating na birthday ng lolo ko. Akala ko nga nataon talaga sa Araw ng mga Patay ang kaarawan nya pero sa Bagong Taon pa pala. Ang alam ko kasi malakas pa sya sa kabila ng katandaan at sakit na nararamdaman. Isa s'ya sa paboritong lolo ko at feeling ko din isa rin ako sa paboritong apo nya. Maliban kasi sa magkamukha kami pareho kaming mahilig sa sombrero. Hindi nawawalan ang lolo ko ng sombrero sa ulo. Isang karpintero na may maraming anak. Ganyan sya kasipag. Tagapagtanggol namin sya lagi kapag nagagalit sa amin ang nanay. Typical na lolo kaya gustong gusto ko na nasa bahay namin sya noong bata pa ako at hindi pa sya super old. Lahat siguro ng giyera na naitala sa kasaysayan ng Pilipinas ay nasaksihan niya. Hindi man masyadong bihasa pero may alam ang lolo ko sa salitang Espanyol pero mas magaling magsalita ang namayapa ko ring lola na asawa nya. Nanilbihan daw kasi sila dati sa isang Espanyol noong mga panahong iyon. Kaya talagang indio din ang lahi namin. Ang sabi din sa amin ng nanay ko, medyo may tampo daw sya dati sa lolo ko dahil sa ibang pananaw sa buhay. Mas minabuting ibenta ang lupain para ipanggastos sa pagpapakasal ng kanyang anak kesa sa pagpapaaral ng nanay ko kung kaya imbis na lumago, naghirap tuloy sila. Pero sa kabila ng kahirapan, masayahing tao ang lolo ko. Hindi nauubusan ng kwento tungkol sa kung anu-anong maligno at kakatakutang karanasan na ikinukwento sa amin bago matulog 'yon pala panakot para hindi na kami lumabas ng bahay pag gabi. Sa kanila ako tumira noong unang taon ko sa hayskul at sya ang katabi ko sa higaan. Boring nga kasi walang TV at gasera lang ang ilawan dati kaya imbis na lumagi, napapauwi tuloy ako sa amin na sya namang ikinagagalit ng nanay ko. Wala daw kasing pamasahe. Ilan lamang ito sa naaalala ko sa kanya noong kalakasan pa niya pero noong mamatay ang lola (asawa nya) medyo humina na rin sya. Dalawang bgay na ang hindi nawala sa kanya -- sombrero at tungkod. Nagkaroon na rin ng karamdamdaman na syang lalong nagpapahina sa kanya.




At nitong nakaraang araw nga, napuna ng asawa ko ang ilang bagong nangyayari sa akin. HIndi naman talaga ako aware pero masyado daw ako tulugero na hindi naman nangyayari. Kadalasan kasi ala-una o alas-dos ng madaling araw ako natutulog pero nagtataka sya na alas-dyes pa lang humihilik na ako. Sabado, nagtext sa akin ang pinsan ko na hindi na daw kumakain ang lolo. Linggo ng gabi, pinag-usapan namin ng asawa ko ang lolo ko. Lunes ng umaga, handa na akong pumasok ng magtext ang amo ko na huwag na muna akong pumasok kasi wala naman daw gagawin. Bandang alas-otso, kachat ko si Abou at pinag-uusapan namin ang entry ko at kamatayan. Bandang 9:30 ng umaga, pagkatapos ng chat namin, chi-neck ko ang roaming ko. Tatlong mensahe, isa sa kapatid ko at dalawa sa pinsan ko. Isa lang ang sinasabi -- wala na si LOLO. Ayaw kong umiyak pero kusang lumuluha ang mata ko. Nanunuyo ang lalamunan ko kaya hinayaan ko na muna ang sarili ko sa sitwasyong iyon. Andami na kasing mga pumapasok na alalahanin lalo na ang sitwasyong milya milya ang layo ko sa kanila. Gustuhin ko mang umuwi ay hindi basta basta. Pero singurado naman nila sa akin na hindi naman malungkot na pumanaw na ang lolo namin. Masaya itong namayapa pagkatapos ng 101 na taon. Ganyan katagal ang itinagal ng kanyang buhay at tanggap naman kaagad iyon ng pamilya namin.




Miyerkules, dalawang araw pagkatapos namatay ang lolo ko, isang malungkot na balita na naman ang natanggap ko. Pumanaw na rin ang pinsan kong nasa kabilang bahay lang ng lolo ko. Muli na namang natulala. Ano ba? Para kaming nabiktima ni Frank. Parang sobra na. Ganito ba talaga kalaki ang pagmamahal sa amin ni Lord na sabay sabay n'yang kinuha ang dalawang mahal namin sa buhay? Sana isa isa lang. Pero pagkalipas ng mga malungkot na emosyon, muling naming nabawi ang tunay na kahulugan ng kanilang sabay na pag-alis. Kanya kanyang pakahulugan pero lahat positibo. At sa tingin mas mabuti na ang ganito. Sabay sabay din itong lilipas.




Hindi ko pa rin maiwasang malungkot lalo na kapag naalala ko itong pangyayari kapag nag-iisa. Mahirap para sa isang katulad ko na malayo sa kanila. Pilit ko mang isinasaisip ang mga dapat gawin kung sakali mang may ganitong pangyayaring darating, iba pa rin kapag naandon ka na sa sitwasyong pinaghahandaan mo. Pagsubok daw ito at lahat naman ay makakaranas ng ganito at ngayon siguro ang pagkakataon namin. Ito rin ang muling nagbuklod sa bawat isa sa amin at muling nagbigay ng pagkakataon para magsama sama ang buong pamilya.




Sa kabila ng pangyayaring ito, mas lalo kong natutunan ang tunay na pakahulugan ng buhay. Mahirap pero kung tatanggapin mo natin hawak ang kung anumang mangyayari at iisipin nating masaya na sila then, bakit pa tayo malulungkot. Kaya tamang pakahalagahan natin ang kasalukuyan. Isabuhay ito na para bang ito na ang huling araw natin sa mundo. Tapusin na ang mga dapat gawin at mas importante lagi na at peace ka sa sarili at sa kapwa.






"Death is not the greatest loss in life. The greatest loss is what dies inside us while we live. " -- Norman Cousins







Paalam Lo. Paalam, Insan.








Read more...