Demo Site

Thursday, July 01, 2010

Pila

At nangyari na nga ang hinihintay ng mga Pilipino -- ang panunumpa ng bagong halal na pangulo ng republika. Lahat ay excited, parang araw ng sweldo. Lahat nagkukumahog. Lahat ay masaya kasi holiday with pay. Sigurado, kapag ganitong holiday, may isang imporatanteng pangyayari hindi mawawala ang maraming dagsa ng tao. Akala mo magsasaboy ng balde baldeng kagandahan ang Diyos na lahat nag-aabang umaga pa lang. Siksikan dito, tulakan dito, pati amoy sa singit maamoy mo na at kulang na lang magkapalit kayo ng mukha. Panigurado, ang mga ganitong eksena ay muling naranasan kanina.

Eto ay pinakaayaw ko sa lahat -- ang pila. Magpapapicture, pipila. Iihi, pipila. Kakain, pipila.Di ko alam pero hindi ako masaya kapag nasa pila. Awang awa ako sa sarili na hindi ko mawari. Parang pinaparamdam sa akin na isa talaga akong indio. Lalo na kapag hindi ito gumagalaw at halo halo na ang nararamdaman ko sa katawan -- naiihi na natatae na nagugutom na nauuhaw. Tapos may maniningit pa. Habang ang pinipilahan mo ay nakuha pang magtanggal ng engrone sa kuko habang pinapafill-up kayo sa form. Tama ba? Sa engrone talaga ang kuko? Basta, yun yon.

Pero saan ba madalas ang pila? Sige nga. Maliban sa kumonyon sa simbahan ang ATM Machines tuwing araw ng sweldo at holiday, sinasabing merong dalawang sa mundo ang madalas box office ang pila. Ang takilya at CR ng mga babae. Sa takilya the more na mahaba ang pila, the more na malaki ang kita. Masaya yon. Sa CR ng mga babae, the more na mahaba ang pila, the na more na umaalingasaw ang amoy. Di ko rin alam kung anong meron sa CR nila at ang tagal nilang lumabas.

Sa panuntunan talaga ng buhay, laging kailangan ang pila. Ito ay para mas maayos at mas mabilis ang serbisyo na gusto nating makuha. Gustuhin man natin o hindi, kailangang sumunod tayo dahil iyon ang sistema. Ay ewan ko lang sa sistema na yan.

Basta, ayokong pumila.


Read more...

Monday, June 28, 2010

kamusta?

Wer na U? Dito na me.

Lumang jologs, ni hinidi man lang ako umabot sa lebel ng pagiging jejemon. Ibig sabihin, talagang walang ipinagbago.

Labinlimang buwan na pala yon at kung hindi dahil sa pagmamakaawa ni Ferberto (kulang na lang halikan nya ang mga paa ko) hindi ko na maisip siliping muli ang lugar kong ito. So di ba syempre, matagal ng hindi nagkaanuhan kaya dapat unang-una me ano yan.....kamustahan? Sa makabagong lipunan, pag nagsabi kang "kamusta?" me kasabay na beso. Ang beso sa Pinoy naging "bisous" sa Pranse. parang ako lang, bisaya. At dito sa Geneva, not one, not two but three time kang bibisou. As in like this...

"Hi!"

"çava?"

sabay mwah..mwah..mwah! kaya't kung bagong salta sa geneva ang kausap mo, mangangawit ang leeg mo sa kaaantay ng tatlong magkakasunod ng kiskisan ng pisngi. Tuloy, ang simpleng seryosong tanda ng pagtanggap sa isang tao ay nagiging katawatawa. Nawawala tuloy ang sense.

Bakit nga ba kamusta ang una nating binibitiwang salita kapag may nakasalubong tayong kakilala? Sinasabi lang ba ito kasi wala na tayong ibang maiisip na itanong o para lang may masabi tayo. At ano naman ang ini-expect nating sagot?

Inaasahan nating sagutin tayo ng " Okay lang","Ayos naman" kahit na halatang meron itong pinagdadaanan. Halata ko lang, tayong mga Pinoy ang malimit gumanon. parang nahihirapan tayong ipaalam sa iba ang nararamdaman natin gayong alam naman nating gustong gusto naman nating pinag-uusapan ang mga bagay bagay na nangyayari sa atin.

At kadalasan, meron pa yang kasunod. "Kamusta ka na? Ang ganda mo ngayon a!" Ang saya nya at di sya nakakaoffend. A so kahapon pala pangit ako. Kung minsan, sa kagustuhan nating i-flatter (oo tunog pinggan) ang kapwa natin, mas lalo pa ngang nakakainsulto ang kinalabasan.

Pwede rin ba kayang baguhin? Parang ganito. Imbis na kamusta...

"Virgin ka pa?"

"Tuli ka na?"

Para mas malaman kaagad ang kasunod na usapan. Uso na yan ngayon. Diretsahan ikanga.

Oo naman siguro, demokrasya naman tayo. Kanya kanyang trip lang yan basta igalang din natin ang opinyon ng iba at sisiguraduhin lang natin na walang maaapakan at masasaktan sa gagawin natin.

Ito ay isa lamang kuro kuro at pala-palagay. Nasa lipunan tayo na merong mga standards, at puno ng alituntunin. At kahit gasgas na ang linyang "kamusta?", mas madali pa ring itong mararamdaman ng ating kapwa basta ito ay puno ang sensiridad at galing sa puso.

Mula dito sa tahanan ng tsokolate at keso, kamusta na ka-blog?!






Read more...

Thursday, April 08, 2010

test-ING

At kamusta naman yon?


Natatawa lang ako sa sarili ko. Hindi ko alam kung anong nangyari ngayong araw na ito at kung bakit naisipan kong guluhin ang matagal ko ng nailigpit na gamit ko dito sa mundo ng blogging. Basta ang naisip ko lang kanina dahil marahil sa umay na umay na ako sa trabaho kong paulit-ulit at para naman magkaroon ng ibang silbi ang PC ko sa bahay, bisitahin ko kaya uli 'to at guluhin.

At ito nga, gulong gulo.

Hindi ko nasustain ang pressure sa pagbablog kung kaya ako tumigil at namahinga ng isang taon. (at talagang may pressure akong nalalaman) Hindi ako sigurado kung may babalikan ako sa aking pagbabalik, pero di bale, kung dito muli ako sasaya, lulubusin ko na.

Kaya sige, kwentuhan uli tayo.


Read more...