Demo Site

Tuesday, May 27, 2008

..therefore I BLOG!

Ang sarap ng pakiramdam ng bagong ligo. Parang nahugasan pati lahat ng mga kaisipang bumabagabag at inanod kasabay ng mga libag sa katawan. Habang tinutuyo ang natitirang tubig sa balat, muling nagkaroon ng sigla ang utak para mag-entertain ng mga panibagong kaisipan, muling nakapag-isip na para bang walang nakaharang at hindi pundido ang lumalabas na mga ideya. In short, muling nanumbalik ang iyong katinuan.

Naisipan kong magbasa ng katawan ngayon. Hindi upang magtanggal ng guilts kundi para guminhawa naman ang ang pakiramdam mula sa panlalagkit dahil sa pawis at sa 'di maintindihang init. Mainit ang panahon kahit na umuulan. Nakapagtataka pero alam kong hindi lang naman ako ang nagrereklamo. At dahil mabango ako habang gumagawa ng entry na ito, hayaan n'yong isulat ko ang mga naalala kong mga pangyayari habang nagtutuyo ako kanina. Wala namang kwenta ito pero naisip ko lang at wala rin itong kinalaman sa pagbabago ng ekonomiya ng Pilipinas at higit sa lahat para manalo si Clinton laban kay Obama.


1. Naimbitahan namin ang pamilya ang isang kaibigan noong Linggo sa post-birthday celebration ng anak ko sa isang playhouse. Sa isang pag-uusap naitanong niya sa akin kunng kaano-ano ko daw ang isang cheftestant sa isang reality cooking show na "Top Chef" sa US. Ang tinutukoy ko ay si DALE TALDE. Oo, Pilipino din siya at kaapelyido ko pa. Tsk..tsk..tsk..di yata nasa angkan na namin ang maging kusinero? Hindi ko napapanood ang show na ito pero sinbukan kong magpatulong kay Manong Youtube kaya kahit papanp e nakasilip na rin ako ng ibang clippings. Kaya lang daw na-eliminate na sya. Sayang! O sya, Dale pasok!


2. Nameet ko kanina si Cecille, kasama ko dati na nag-apply sa agency para pumunta dito sa Geneva. Matagal tagal na din since nagkita kami. Aba, haba na ng buhok nya, mala-Sadako pero wala pa ring nabago sa baba n'ya -- nahawaan yata ni Ai-Ai. Syempre alangan naman namin pag-usapan ang lovelife nya sa gitna ng kalye, e sino ba naman ako. Pero di lang maalis sa isp ko ang sinabi n'ya pagkatapos n'ya akong batiin.


"Oy, ba't ganyan ka? Ang payat mo. Mukha ka na talagang tatay? Ano? Dahil ba yan sa konsumisyon?"


Ganun! Parang super close na kami at ang dami n'ya kaagad tanong as in nakailang follow-up question na "Bakit?" lang ang tanging reaction ko. Ok na sana ang second
line
n'ya kasi talagang kinakarir ko ang magpapayat. Nasobrahan yata ako ng jogging at tae bo kaya nalosyang kaagad ako sa tingin nya. Tuloy 'di ko na maintindihan ngayon kung ano ang tama para sa akin. Noong medyo chubby ako at halatang napabayaan sa mesa, ang sabi nila "Aba ang taba taba mo." Parang ibig sabihin ang pangit ko. Ngayon naman after kong mag-loss ng 4 kilos sabi, ang payat ko na, mukha akong tatay. Tatay nga ako pero parang ganon din ang dating--pangit ako.
Di bale na, ang alam ko may asawa ako e siya wala, kahit boylet. Sino kaya mas pangit sa amin. :-)


3. Malapit na pala ang EUROFOOT. Siguradong kaguluhan na naman ang aabutin nito dito sa Geneva. Nag-uumpisa na kasing magparamdam ang mga loyalista ng larong ito, mga tao na kong ituring ay sagrado ang larong football. Full-pack kasi ang tao sa stadium kapag may football kumpara mo sa mga nanampalataya kapag Linggo. Sa ganitong pagkakataon rin parang may parade of nations. Dito sa localitè namin, nagwawagayway na ang ilan sa mga kabitbahay namin ng kani-kaniyang nga bandila at ngayon ko napagtanto, napapaligiran pala kami ng mga Portugese. Inaykupo! Siguradong magulo ito.


4. Nag-ienumerate na naman si beloved wife ng mga hinaing nya sa trabaho kahit ilang beses ko nang sinabi sa kanya na 'wag na dalhin ang kung anumang usapin tungkol sa trabaho sa bahay. I-enjoy mo na ang pagkakataong nasa bahay ka, kalimutan ang trabaho. Pero hindi natitigil. Bad trip na naman s'ya e kasi lagi siyang hinahanapan ng mga bagay na nawala sa bahay ng amo niya. 'Yong kahit hindi makita dahil namisplace. Hindi naman s'ya pulis na tanungan ng mga taong nawawala. Hindi na tuloy nakapag-concrentrate sa mga dapat tapusin. Sa ganitong mga pagkakataon, isa lang lagi ang palaging sinasuggest ko -- try mo kayang ipakulam. Baka mahimasmasan.


5. Naalala ko ang bibilhin kong CPU. Excited na din ako. Dapat kasi bitbit ko na kanina kaya lang sa late na ako natapos ng trabaho kaya wala na naman kaming oras para asikasuhin pero kayang kaya na yon sa Huwebes kaya humanda ang dapat humanda. Pinapasalamatan ko ang nag-iisang kingdaddyrich dito. "Bossing, salamat sa tip."



Iba talaga epekto ng ligo sa buhay ng tao. Kaya mainam tayong mga Pinoy at least araw araw naliligo kung kaya ibang klase din mag-isip. Pero depende na din 'yan sa klase ng ligo.

O s'ya maligo ka na.


Read more...

Saturday, May 24, 2008

wholesome meets naughty

I have a good weekend. Ramdam ko na talagang nagweekend ngayon kasi usually, we don't own our weekends. They belong to our relatives and some friends kung kaya mararamdaman ko pa din ang pagod. Mamalayan ko na lang, Lunes na bigla. Nakakabitin. Magtatrabaho sana ako pero salamat sa biglang pagsungit ng panahon kung kaya nakapagstay ako ng bahay. Bawas kita pero 'di bale na basta masaya.


Meron kasing mga affairs ngayon na gusto naming puntahan. Kaya, eto ang Sabado Loco ko.

First Stop
Kermesse
St. Jean XXIII

Tatlong taon na ako dito at tatlong taon na din akong pumupunta sa kermesse na ito. Para itong bazaar sa Pilipinas. Parang piyesta pero hindi katulad sa Pilipinas hindi lang ito puro kainan. Oo, meron din kainan at United Nations pa. Malakas ang apetite ko pero hindi ako excited sa pagkain kundi sa mga libro. Dito kami nakakabili ng mga murang books. Oo, mga used na pero hindi ganon kalaspag. This time, kasi parang kompleto na ang collection ko ng Grisham at Ludlum's, children's books ang punterya namin. Excited kami para sa Dodong liit namin, kaya super aga namin para mas maganda ang makuha namin and it was it. Maliban sa mga books, giliw na giliw ako sa mga DVDs and video cassettes. This time -- Sense and Sensibility, Awakening, Coming to America, A Life Less Ordinary, Shakespeare in Love at Before Sunrise ang nadagdag sa collection ko ngayon. Meron na din kasi ako ng mga war movies -- Saving Private Ryan, Blackhawk Down, We Were Soldiers, Behind Enemy Lines, Windtalkers -- ay ilan lamang. Sa halagang 50 Swiss Francs, dalawang shopping bag na puro libro at videos. Solb na solb ako. Sa susunod na summer uli. Pasensya na kasi sa sobrang excitement, hindi nagawang kunan ng letrato ang kermesse ngayon.

Second Stop
Fun with Pokwang
Ramada Park Hotel

Nasabi ko recently na mababaw ang kaligayahan ko at wala akong kahilig hilig sa mga stand-up comedians. Aliw na aliw ako sa mga taong kinakarir ang pagpapatawa para kumita. At dahil nagbayad ako, kailangang matuwa at tumawa ako. Kaya matagal ko na ring inasam na sana makapanood ako ng mga komedyante. Kaya ngayon, sugod kami ke Pokwang. First time ko ito kaya kailangan dapat nakapostura ako. Kakaibang experience din ito sa halagang 65 Swiss Francs. Napanood ko na din ang ilan sa mga video clippings ni Poki sa kanilang Europe Tour pero iba pa din syempre ang feeling ng first hand experience. At ngayon, di lang ako audience. I have the chance of dancing Poki sa stage. Poking-inang 'yan. Swerte ko lang din at wala akong katalent talent sa pagsayaw kaya hindi ako nangarir. Hahaha... eto ang ebidensya.

(hanapin si ako)





Paminsan minsan lang kami nagbobonding ng tulad nito ni misis at salamat din sa mga pagkakataong tulad nito kasi kahit papano ay nababawasan ang pangungulila ko sa buhay Pinas.



Read more...

Tuesday, May 20, 2008

Happy BIRTHDAY, Geodric Matthieu!

Dahil birthday ng anak namin ngayon, meron kaming nais ipaabot sa kanya sa pamamagitan ng isang liham.


Geodric,


Parang kailan lang. Ang bilis lumipas ng panahon. Ang ibig kong sabihin, ang bilis mong lumaki at para bang pinaparamdam mo sa amin ng mama mo na tumatanda na kami. Two years ago, napaka-fragile mo. Takot kaming hawakan at galawin ka kasi baka magkalasug-lasog ang katawan mo 'pag kinatawan namin 'yon kasi parang ang lambot lambot ng mga buto mo na ngayon ay para kong nakita ang Halley's Comet kapag natamaan ng suntok mo ang mata ko.

Ikaw ang aming kaligayahan. Sobra mong binago ang dating boring na buhay namin ng mama mo. Oo, 'di ako napalundag sa tuwa ng sabihin sa akin ng mama mo na mahigit isang buwan s'yang buntis sa'yo pero nag-uumapaw sa kaligayahan ang puso ko ng mga sandaling iyon dahil sa nalaman kong hindi ako baog. Pasensya na hindi kasi ako masyadong expressive na tao. Ilang buwan ka naming iningatan hanggang sa dumating ang oras ng iyong pagsilang. Dalawang taon iyon ngayong araw. Tandang tanda ko ang oras na iyon -- 2:54 AM at malat na malat ang boses ko dahil sa kaiiri ko. Tama ka. Mas malakas pa ang iri ko kesa sa mama mo. Kitang kita ko kung papano ka lumabas sa kwan ng mama mo at buhok mo ang unang nasilayan ko. Hindi ko mapigilan ang sarili kong mapaiyak ng ikaw ay sa wakas ay lumabas na balot ng dugo. Lakas ng iyak mo pati sipa mo. Ang napakastriking pa, ang itim ng bayag mo. Napakahalata. At para hindi kami makiuso, nabuo ang pangalan mo mula sa pangalan ko at ng mama mo.


Sinasariwa ko lang sa'yo ang mga pangyayari ng ikaw ay ipinanganak ka kasi syempre 'di mo 'yon alam. Maswerte ka nga at naikukuwento sayo. Ang lolo mo 'di ko alam kong nakita n'ya akong iniluwal ng lola mo. Dahil sa'yo, naging kumpleto tayo -- isang pamilya. Ikaw ang tanging yaman namin. Dahil sa'yo naging rewarding ang dating walang ka-challenge challenge na buhay. Hindi matatawaran ng kung ano pa mang yaman sa mundo ang kaligayahan na ibinibigay mo sa amin. Tagapagtanggal ng pagod namin ang mga tawa mo at sa t'wing tinatanong mo kami ng "Aw ayo?" at "Ab labyu!" At kahit minsan, hindi mo kami pinapatulog lalo na kung ikaw ay may dinaramdam na hindi maintindihan, walang anu man yon. Ano pang naging magulang mo kami kung hindi namin kakayanin ang ganong mga pagkakataon.


Pasensya ka kung minsan ay napapagalitan ka. Hindi ibig sabihin no'n ay nababawasan ang pagmamahal namin sa'yo. Iyon din kasi ang dahilan kung bakit ginagawa namin 'yon. At sa mga pagkakataong ikaw ay naiiyak kung napapalakas ang boses ko lalo na kung nauubos ang pasensya ko sa kakulitan mo. Gantihan mo na lang ako 'pag tumanda din akong makulit.


Wala kaming ibang hangad sa'yo kundi ang kaligayahan mo, ang maging mabuti kang tao, ang lumaki kang may takot sa Diyos at marunong lumaban sa hirap ng buhay. Hindi marangya ang buhay natin pero bubusugin ka namin (hanggang magkaimpatso ka) sa pagmamahal. Ikaw ang una sa amin higit sa kuna numan.


Dahil espesyal ka sa amin ng mama mo, gagawin din naming espesyal ang kaarawan mo. Maliban sa kainan at regalo, alay ko din sa iyo ang entring ito sa blog ko.

Maligayang Kaarawan, Anak. Mahal ka namin.



Tanging nagmamahal,


Mama at Papa

May 20, 2008




Read more...

Wednesday, May 14, 2008

just GAGGING!

Suplado akong tao. Paminsan-minsan seryoso. Madalas nakatikom ang bibig at nakakunot ang noo. Kaya hindi ako nakakaligtas sa pamimintas ng ilang kaibigan at mga kakilala. Para daw nagmimenopause, katapusan ng mundo. Na kesyo bigo ba daw ako, na don ako sa bundok kung saan walang taong makikipag-usap sa akin.

'Yan ang other side ko kaya napahanga ako sa dati kong bisor nong sabihin nya na and I qoute "Oo, mabait 'yan pero wicked din yan."

Pero sa likod ng ganyang katangian ko, masayahin akong tao. Mababaw lang ang kaligayahan ko pati luha ko. Napakahilig ko sa mga gag shows. Grabe ako kung tumawa kaya kung minsan si misis ay nahahawaan na din sa kakatawa hindi dahil da palabas kundi dahil don sa bungisngis ko. 'Yon bang naiyak na sa katatawa. 'Yong tawa na parang wala ng bukas. Pak! Kaya nga din mabentang mabenta sa akin ang mga stand-up comedians na 'yan, 'yong mga jokla na kung mang-okray ng kapwa akala nila e sila lang ang anak ng Dyos.

Kaya ngayon, habang nakikipagbonding kay Manong Youtube at sa kakahanap ng guesting ni Charice Pempengco sa Oprah, eto ang nakita ko, ilan sa mga prank videos. Mga videos na dahil sa kapipigil ng tawa, ako'y nautot.









Read more...

Sunday, May 11, 2008

SUMMERIZED

“All that I am, or hope to be, I owe to my angel mother”
-- Abraham Lincoln



Sa aking pinakamamahal asawa at natatanging nanay, salamat sa walang sawa at tunay na pagmamahal. At sa lahat din ng mga natatanging ina sa buong mundo,
Happy MOTHER'S DAY.




**********



Ilang araw din pala akong walang post. Hindi kasi kaya ng oras ko ang magbabad sa harap ng computer at mag-iisip ng maisusulat sa dami ng dapat unahin. Pero sa wakas, muli akong nagbabalik.



**********



Nitong nakaraang linggo, matapos ang ilang panahon na rin ng pagpaplano ng mga dapat gawin ay natapos na rin ang ika-labingwalong kaarawan ng isang kamg-anak namin. Matapos umuwi ng alas-dos na madaling araw kanina at gumising ng walang hang-over, aba'y muli naming inenjoy ang Linggo sa pagbabad sa swimming pool. Oo, mainit na ang panahon dito sa Geneva sa wakas. Goodbye na sa makakapal na winter jacket at kung ano pang mga anik-anik na gingamit sa katawan para lamang uminit ang pakiramdam. Hello naman ngayon sa shorts at tsinelas. Samantalahin na kaagad kasi ilang buwan lang naman ang itatagal ng init. Kung kaya kahit saang sulok ng lungsod ka ngayon mapadako ay parang nasapian ng kung anong ispiritu sa katawan ang mga tao dahil sa init ng araw. Parang laging piyesta.



Muli na namang makikita ang mga kainan at kapehan sa gilid ng daanan. Buhay na naman ang Lac Leman. Muli na namang makikita ang mga nakahubong nilalang sa gilid nito habang ninanamnam ang sikat ng haring araw. (sana naging sikat ng araw na din ako) Uso na naman ang piknikan at bar-b-Q party. Madami na naming kainan. Ibig sabihin mananaba na naman akong muli.



Buhay na buhay na namang muli ang Geneva. Sunod sunod na naman ang mga kasiyahang magaganap. Pinakamalaki na nito ang pagdaraos ng Eurofoot sometime in July. Dahil parang relihiyon na dito ang larong football, naglagay ang mga Suiso ang malaking lobong bola sa itaas ng Jet d'Eau dahilan na rin para mapatulala ang anak ko kapag napapadako kami sa banda roon.


Sa muling pag-init ng panahon, muling pagkabuhay ng lungsod, muling pagkakaroon ng mga kasiyahan, meron pa din akong nadaramang kaunting lungkot sa aking sarili. Ako'y nag-aalala.


Magiging EGOY na naman ako.

Hassshhh...oo, ikinalulungkot ang makita kong unti-unting tumitingkad ang dati ko nang kulay lupang balat. Pasensya na sa mga kalahi ko. Alam ko, black is beautiful pero mas maganda pa din ang kayumanggi.

Ganunpaman, anuman ang kulay mo, tara na sama-sama natin i-enjoy ang summer.


(wala ako sa mood ngayon kaya konti lang pictures na nilagay ko)




************



off topic


[Hindi lang kasi matanggal sa isip ko. Nakakalungkot isipin na nasira ang video camera namin. Ayaw mag-eject ng cassette. Nagpapalit na kaya ng bago 'to? Ibig sabihin kaya nito, mapupurnada ang bago kong cpu? Tsk..tsk..tsk..]





Read more...

Sunday, May 04, 2008

ENVY-tology

Bakit kaya may mga inggitero sa mundo?

Kahit ako ay biglang napatigil sa pagpifinger ng keyboard ko pagkatapos kong maisulat ang tanong na ito. Bakit nga ba? Para bang isang palaisipan na ngayon ko lang nalaman at pilit ko na namang pipigain ang utak ko sa kakaisip para sa isang kasagutan na hindi ako sigurado kung tama ba o mali.

Hindi raw maganda ang mainggit sabi ng mahal kong nanay. Dapat daw marunong ako makuntento at pagyamanin sa kung ano ang meron ako. Sabi ko nga, hindi kami ipinanganak na meron. Malimit laging wala ang sagot kapag nanghihingi kami at syempre wala nang reklamo 'yon. Kapag wala, wala. Kaya kung mapapadako man ang tingin ko sa kapitbahay naming kamag-anak na nag-uulam ng adobo at kami ay paksiw, 'di ko maiwasang magtanong, "Why Lord?" Kakatawa pero oo, nainggit ako. Kaya ang pambawi ko na lang, mas higit na masarap ang paksiw kesa adobo kaya siguro naging paborito ko ito.

Totoo. Inggitero din ako at sino ba ang hindi? Parang kakambal na ata ng pagiging tao ang inggit. Kapag nagkasanga sanga na ang sitwasyon, maaring pagmumulan ito ng gulo. Inggitero ako pero hindi ako nanggugulo dahil sa inggit. Kabaklaan yata ang ganon. Ewan pero ginagawa ko ang inggit ko para kalabanin ang sarili, para mas maging mabuti sa buhay, para matutong mangarap na balang-araw mas pa ang maaabot, para maging mas mabuting tao. Constructive enveism. Meron bang ganon?

Pero minsan kung kelan nagmature ka na, kung kelan mo narealize na talagang walang nagagawang mabuti ang inggit, kung kelan natuto ka ng makuntento sa bagay na meron ka, ikaw naman ang kinaiinggitan. Ang tao talaga, pasaway!

Wala akong maipagmamalaki sa buhay. Hindi ako mayaman. Simpleng tao lang ako. May masayang pamilya, may bibong anak at mapagmahal na asawa. Kasalanan ko ba na maliban sa magandang lalaki ako e saksakan pa ako ng talino. O diba hindi halatang mayabang at sinungaling ako? Pero bakit ako kakainggitan? Ano ba ang meron ako? Mga kaibigan lamang meron ako dahil sa kabaitan (?) at pakikisama.

Tunay ngang mahirap i-please ang lahat ng tao. Kahit anong buti ng pakikitungo mong gawin hahanap at hahanapan ka ng kung anong kapintasan para meron silang masabi. Tuloy marami ang nagmumukhang batya dahil sa Orocan na ugali, maraming peke. Maraming kakainis. Mabagal tuloy umasenso ang buhay.

Isang bagay din ang napagtanto ko. Kung ikaw ay inggitero(a), marahil isa ka ring dakilang insecure.

Read more...

Friday, May 02, 2008

BANGBUS Part II

Makalipas ang ilang araw ng pagmumuni-muni at pag-asang magkaroon muli ako ng sigla para magsulat at mag-update ng idiot board ko na 'to, heto muli ako, muling maglilinis ng mga kumapit na lumot dahil sa katagalan kong hindi nagalaw ang tambayan kong ito. Pagkatapos ng asul at itim na kulay ko dati muli akong nagbibihis at iba na naman ang kulay. Parang banderitas kapag may pyesta. Kunsabagay, katatapos lang ng pista sa amin.

Natawa ako sa nakaraang entry ko. May mga nag-akalang isang kamunduhan ang naisulat kong iyon. Ngayon ko napagtanto na hindi talaga nababawasan ang mga manyakis sa mundo bagkus, datapwat, dumadami pa. At pabata ng pabata. Pati mga batang-isip nakikisali. Epekto ba ito ng climate change o ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng bigas? Tsk..tsk..tsk..

At eto pa ang pangalawang hirit ko. Oo, medyo may pagkabulgar itong aking ipapakita ko sa ngayon pero para dito sa lipunang aking ginagalawan ngayon, ito ay isa lamang sa mga ordinaryong paksa ng usapin.

Siguro mga tatlong linggo na ang nakakalipas, nagkalat dito sa Geneva ang mga bagong "billboards" ng LOVE LIFE STOP AIDS campaign ng Swiss Federal Office of Public Health at Swiss AIDS Federation. Layon nito na hikayatin ang mga tao na protektahan ang sarili nila laban sa nakakahawang sakit na ito at para na rin imulat ang mga tao sa banta ng sakit na AIDS, para magbago sa pananaw sa seks at ang epektibong paggamit ng proteksyon.

Ang mga "billboards" na ito (di gaya sa Maynila na mala-Araneta ang laki) ay eye-level lamang at syempre nakikita ko ito sa tuwing sasakay ako ng bus papasok sa trabaho. Natataon na gising ang ulirat ko kapag nadadaanan ito. Pero ni minsan hindi ako nakakuha ng larawan kiung saan tsaktong nakalagay ang mga ito. Ganunpaman, hindi naman nagtagal ang pagkakabilad ng ad na ito tinanggal nila kaagad.

Napag-isip tuloy ako -- kung ito kaya ang ilagay sa kahabaan ng EDSA ang mala-Araneta ang laki, tatalunin kaya ang bilang ng mamangha kesa sa billboard ni Marian Rivera? Kamusta man kaya ang trapik?

(images from Swiss Federal Office of Public Health website)

O ayan, bulgar na bulgar di ba. Para ka ring nagbabasa ng Playboy.

Ikaw, sa palagay mo, tama lang ba na ibandera ang mga ito? Does the end always justifies the means?


????






Read more...