Demo Site

Tuesday, September 30, 2008

FALL-en

Makulimlim ang paligid. Nagsisimula ng magtuyuan ang dating luntiang paligid. Naglalagan na ang mga tuyong dahon na animo'y ulan sa umaga. Ang lungkot. Para bang balat ng yumao kong lola na hindi na na kayang paputiin ng kahit na anong whitening soap. Kulubot at para ka bang nasa kabihasnang madalang marating ng tao. Pakiramdam ko parang sepia ang kulay ng kapaligiran. Hinahayaan lang kasi nila ang mga tuyong dahon na nagkalat kahit nasa pintuan na ito. Kung nandito lang siguro ang nanay ko, araw-araw kaming may tagawalis at tagasiga ng mga dahong ito.


Taglamig na pala. Parang hindi ko ramdam. Kasi naman nakahubad pa rin ako kung matulog. Oo. Gusto ko kasi yong pakiramdam nang magkadikit ang balat ko at kumot. At saka, para shortcut na kung sakaling may mga seremonyas. Pero nitong mga nakaraang araw, hindi na pinagpapawisan ang likod ng tuhod ko. Ano nga ang tawag don? Alak-alakan? At nagbabalat na rin ang dulo ng mga daliri ko sa paa. At saka, nangangati na ang anit ko dahil sa balakubak. Ito ang mga nararamdaman ko pagka taglamig na. Ah, sa wakas, puputi na uli ako.

Maginaw. Dati ko itong pinananabikan dahil walang ganito sa Pinas ang drama ko ng unang apak ko dito sa Geneva. Palibhasa kasi puro na lang maiinit don kaya parang huwaw ang dating sa akin ng autumn. At nagagaya ko pa si Hua Ze Lie at Dao Ming Su, 'yong nagsusuot ng scarf at bonnet hanggang tumagaktak ang pawis kahit na anong lamig. Maliban kasi sa makapal na suot, nakakadagdag init din sa katawan ang mga props na katulad ng scarf at bonnet. At dahil, halos anim na buwan ang taglamig, anim na buwan ka ding balot. Tingnan natin kung di ka nga talaga puputi. Peke ang Likas Papaya na yan. At syempre, aantayin na ang pag-isnow. Dahil pinoy ako, pinoy tayo at walang kahilig-hilig sa piktyuran, talagang pakyut ako noong unang experience ko sa snow. Oha, adik! Teka, asan na ba yon?

Maulan. Malimit na naman umulan ngayon dito. Kapag ganito sa Pinas dati, ang hirap gumising dahil ang sarap pang magtalukbong ng kumot dahil lang sa kaunting ginaw na dulot ng ulan, mas lalo dito ngayon. Nakakatamad bumangon. Dagdag pa ang madilim na paligid kahit alas syete na ng umag na mas lalo pang madilim kapag winter na talaga. Ang ikinababahala ko pa kapag ganitong panahon ay baka magising mula sa pagkakahibernate ang bestfriend ko na ipinamana ng tatay ko. (back read ka lang sa previous post kung interesado kang malaman) Ang kinaigihan lang nito ay kahit anong ulan, hindi bumabaha. Kung nagkataon, aba e, parang nasa Kalentong lang din ako.

Mahangin. Ito ang nakakadagdag sa ginaw. Perwisyo sa akin ang paglabas na malakas ang ihip ng hangin lalo na kung nakacontact lens ako. (akala mo naman meron) Napapatingin kasi sa akin ang mga nakakasalubong ko kasi akala nila umiiyak ako. Sensitibo lang kaya ang mata ko sa hangin. Pero walang patama ang hangin dito sa lakas ng hangin ng kapitbahay ko dati. Di lang ako napapaluha, nagtatagis lang ang bagang ko sa inis at kung may madyik lang ako, gagawin ko syang platito para kahit papano ay may pakinabang. Basta!

Pero may choice ba ako? E sa ganito talaga ang klima dito sa Suisse. Wala akong magagawa kaya dito ko na lang isusulat ang hindi napapawi ng mga buntunghininga ko.

And this made me realize one thing. I missed HOME.




Read more...

Tuesday, September 23, 2008

inSURED

Kasabay ng balitang namatay DAW si Oprah, ang patuloy na election campaign sa US, ang bagyo sa Pilipinas, ang bombing sa Pakistan, ang melamine scare sa dairy products made in China, ang katatapos na Emmy Awards, at ang patuloy na usapin sa LHC sa Geneva, ang pag-alala ko sa sinapit ng Lehmann Brothers na kompanya sa US.

Wala naman akong pakialam don kasi wala naman akong investment don at malay ko ba sa mga investment na yan at kung tutuusin ngayon ko nga lang narinig ang Lehmann Brothers na ganon pala kalaking kompanya ito.

Matapos magfile ng bankruptcy, sanga-sanga ring problema ang idinulot nito na nagbigay ng sari-sari haka haka at mga ispekulasyon sa mga maaring epekto nito sa financial sector. Kakabit ng Lehmann Brothers na pangalan ang AIG na syang may hawak ng Philam Life Insurance sa Pilipinas. At dito ako napangiti. Kahit sabihin man nila na secured ang policy investment ng Philamlife sa kabila ng sinapit ng mother company nito, hindi pa rin maiaalis ang pangambang maari rin itong malugi. Kung nagkataon sana, isa ako sa maaring nag-aalala ngayon sa perang ininvest ko sa insurance policy.

Dati kasi akong may hinuhulugang insurance premium sa Pilipinas. Life Insurance at medyo may kamahalan din ang premium kung tutuusin kasi over 20 years old na kasi ako ng kumuha. Nakadalawang quarter na din ako ng hulog plus yong downpayment pero nong mahuli ako ng bayad sa third quarter ay biglang ninotify ako ng Philam na pinutol daw nila ang policy na hinuhulugan ko pero pwede ko daw itong i-reinstate. Ibig sabihin, tataas ang premium ko non. Kalokohan nila. Mali nga din ang naging desisyon ko kasi kailangan ko din talagang maniguro para sa kung ano man ang kinabukasan pero sa Pilipinas na hindi naman bahagi ng buhay ng tao ang insurance na tinatawag, unlike sa ibang bansa na niri-required mismo ng gobyerno, di talaga maaalis ang pagkakaroon ng agam-agam at pangamba. Katulad sa nangyari sa CAP at ano nga yong isa, na hindi na nabawi ng ibang holder ang pera nila. Tsk..tsk..tsk!

Nakakalito tuloy ngayon kung sa papanong paraan ka pwedeng mag-ipon na hindi ka mag-alala na posibleng maglaho ang pinaghirapan mo ng ganon ganon lang lalo na kapag para ito sa kasiguruhan ng kinabukasan. Ganunpaman, sabi nga nila, sugal daw ang buhay kaya kailangan mong tumaya at sa sugal may nanalo at may natatalo. Malas mo lang kung ikaw yon. Okey lang yon. Ang mahalaga may natutuhan ka sa buhay kesa nanatili kang duwag.

Unstable na daw ang pangkalahatang ekonomiya ng mundo lalo na ng America. Pero sabi nila may solusyon daw si Obama.

Ano sa tingin mo?


Read more...

Friday, September 19, 2008

armagedDON

Doomsday.

Laman ng balita nitong mga nakaraang araw sa Geneva. Usap-usapan sa mga radyo at artikulo sa mga peryodiko. Tinalong bigla ang American politics. Ewan kung nauunawaan ng madlang people ang usaping ito dahil parang deadma lang sila -- pakiramdam ko lang.

Actually, ganon din ako noong una. Sobrang technical kasi ng mga pinag-uusapan at nahihirapan na akong i-recall ang mga concepts ng Physics na natutunan ko noong high school. Maliban sa mga numerical facts (syempre computation na naman) medyo mahirap ma-absorb ang mga technical terms na kung hindi mo propesyon malamang matutulala ka.

I am talking about the LHC or the Large Hadron Collider. Ito na ang pinakamalaki at pinakamalakas na particle accelerator sa buong mundo. Ginawa ito para mabigyang kasagutan ang mga tila walang kasagutang tanong sa larangan ng particle physics. Sabi ko nga masyadong technical kung kaya sundan mo na lang ang LHC sa link na ito para mas lalo kang maliwanagan.

Ito ang logo ng ahensyang namamahala dito. Ang CERN -- European Organization for Nuclear Research originally Conseil Européen pour la Recherche Nucléaire in French. Sa tuwing makita ko ito lagi kong naalala si Robert Langdon at ang antimatter sa Angels and Demons ni Dan Brown kung saan una kong nabasa ang ang word na ito. Minsanan lang mag-open ang CERN for public and this year, pinakita nila ang LHC pero di ako nakapunta kasi di pwedeng ipasok ang anak ko. Pero hindi iyan ang isyu. Planong isagawa ang unang collision sana noong September 10, 2008. Pero sa mga kung anong kadahilanan ay hindi ito naisagawa.

Ang kinatatakutan ng karamihan dito ay ang maaring idulot na epekto ng magarbong proyektong ito. Una na dito ang blackhole -- kung saan hihigupin ang mundo on the 10sec on the billionth power. Sa akin ok lang at least mamatay akong di virgin at mabuti sana kung ako lang. Iniisip ko ang mag-ina ko. Kung magkataon, isa kami sa maaring apektado. Ilang kilometro lamang ang layo ng tinitirhan namin sa Meyrin kung saan naroon ang CERN. Paano na lang kung pati Chatelaine biglang magdisappear? Sumunod ang concern ng cosmic rays, strangelets, vacuum bubbles at magnetic monopoles. Lahat ito maaring magcontribute sa tuluyang pagkasira ng mundo as in literal na masisira. Tunghayan ang ilan sa mga larawang ito courtesy of google.




Kung minsan, ang akala ng tao, his invention makes him GOD and he would think he could conquer GOD. Pero kadalasan din, ang katalinuhan ng tao ang nagdadala sa kanya sa isang kapahamakan.

Ikaw? Ano ang tingin mo sa pangkalahatang pangyayari sa mundo maging gawa man ito ng tao o kalikasan?



Read more...

Tuesday, September 09, 2008

KWENTA-han tayo!

Ito ay isang pag-amin.


Hindi ako bobo. Sigurado ako don. Paminsan-minsan siguro tamad pero hindi ako bobo. Sabi pa nga ng mga kaibigan at mga kamag-anakan ko, swerte daw ang mga magulang ko kasi matalino daw ako. (daw ako!) Alam kong malinaw na magkaiba ang kahulugan ng dalawang salitang ito na sadyang ginagawang pananggalang ng karamihan sa tuwing sila ay mahuhusgahang bobito. Syempre, wala naman talagang aamin na sya ay isang bobo at isa ako don. Parang utot din 'yan, walang aamin kung sino ang nagbuga.


Pero katulad ng pag-amin ko noon na minsan na din akong umutot sa gitna ng maraming crowd, aaminin ko uli ngayon ang isang bagay tungkol sa akin. Oo, ang engot-engot ko pagdating sa kwentahan -- sa numero in general. Di ko alam kung sakit ba itong namamana o talagang endowned na kaagad sa isang katulad ko since birth. Pero hindi ito kaso ng kabobohan. Sabihin na lang nating may pagka-lousy.

Sabi nila mathematics is an exact science at matapos matukoy ng mga kagalang-galang na mga loko-loko ang bahagi ng utak ng tao na nagiging sanhi ng pagkapurol sa matematika, naniniwala ako na talagang merong balanse ang mga bagay bagay sa mundo. Hindi pa naman siguro ako mapapabilang sa mga dyscalculics o yaong mga walang kakayahang magdeal sa numero as to how many or how much. Nakakalito lang kasi. Pero malaki ang pag-asa ko na magkakaroon pa din ng bisa ang patuloy kong pagkain ng mani (basta mani).

Sa loob ng ilang taong nag-aral ako, aminado ako na mahina talaga ako sa matematika. Kinakabahan ako noon kapag tatawagin ako ng titser namin para irecite ang multiplication table at sana lagi kong dasal na sana table of 2 or table of 5 ang ibigay sa akin dahil kung hindi siguradong magkakalat ako. Nahirapan din akong mag-add, subtract, multiply, divide ng fraction. Kung bakit kasi naimbento pa ang mga yan e hindi naman sa araw-araw na buhay nakakasalubong ko ang fraction. Nang tumuntong naman ako ng high school, sumasakit ang ulo ko sa algebra. Hindi ko na nga alam ang simpleng numero lang, dadagdagan pa ng letters. Kulang na lang sasauluhin ko ang placement ng lahat ng letters sa alphabet. Pero sa totoo lang feeling no sweat ako that time at sa akin pa nangongopya ang ibang kaklase ko. Bakit kamo? Lagi ko kasing dala-dala ang lumang kwaderno ng kapatid ko. Alam mo naman sa public high school, paulit-ulit lang ang itinuturo ng mga titser. Ang assignment ng last year, ganon din ang assignment this year. Isang taon lang kaya ang pagitan namin ng sister ko. Pagdating naman sa statistics, ambilis ko sa kwentahan kasi nasa bag ko lagi ang vintage na calculator na ninenok ko sa nanay ko. Kaya tuloy kahit ngayon, pag nagkausap kami ng mga kabarkadang kaklase ko tungkol sa numero at ang bilis kong sumagot ang sunod na tanong, "Ambilis mo a. May calculator ka sa tabi mo ano?."

Minsan din akong nakipag-away sa namayapa ng tindera sa amin dati. Ang alam ko kasi matalino at tama ako kaya nakipagtalo ako. Inutusan kasi ako ng tatay ko na bumili ng yosi. Ang nasa isip ko kaagad, magbubulsa ako ng sukli. Sampung piso ang ibinigay n'ya at 8.50 ang nabili ko tapos ang sukli sa akin 1.50. Habang naglalakad pauwi, "mali" sabi ko. Dapat 2.50. Sabay balik sa tindahan. Sakto-saktong ang banat ko. Syempre talo ako at di ko iyon tanggap kaya pagdating sa bahay kinuwenta ko uli at tinanggap ko na lang ang pagkapahiya. Maghahanap na lang ako ng patas kaya sa tuwing bibili ako don, nangungupit ako ng jolens o kaya teks.

Laging gulat ko din ng minsang bigyan ako ng ribbon ng titser ko. Di ko pa alam sa una pero ng sabihin nya sa akin na Best in Math daw ako, para kong hahabulin ang isa kong kaklase para makipagpalit ng Best in Religion sa kanya. Ano ba mam? Paano ako magiging best in math e, di mo nga ako tinatawag para sa recitation, dagdagan pa na nakakatulugan kita. Paano nangyari 'yon.

Malala na siguro ito kasi kahit nasa ganitong edad na ako ay inaatake pa din ako ng pagkalousy ko. Napansin na din ito ng asawa ko dahil ilang beses na ring nangyari -- noong minsang muntikan na akong magbigay ng palit sa isang trabahong akala ko ay sobra ang ibinayad sa akin, noong sinabi ko na 600 lang ang idideposito ko at buti na lang matalino ang machine magbilang at sinabing 800 pala ito at nitong nakaraang araw lang, sobra ng isandaan ang actual na ibinigay ko sa kanya kesa sa sinabi ko. At dahil dito meron syang simpleng hiling. "Sana 'wag mamana ng anak mo ang kahinaan mong ito."

Mahirap magkunyari. Kesa naman dayain ko ang sarili kaya naman pasensya na, masyadong apektado ang intraparietal sulcus ko. Kung anuman yon bahala ka ng magsaliksik. Kung kabobohan man ang tingin ng iba sa kahinaan kung ito, napapasalamat pa din ako dahil kung minsan, dito ko nasusukat ang katapatan ng isang tao at kung may balak ba syang manlamang ng kapwa.

Isa lang ang sigurado ko. Bulldog nga ako sa numero pero hindi ako BOBO.


Read more...

Wednesday, September 03, 2008

multiTASKing

May ganito ka bang kakayahan?

Eksaktong dalawang linggo akong nawala sa sirkulasyon ng mga "elite". Mas mabuti na rin ang ganoon para kahit papano e mamiss nyo ang kutong lupang ito. Kung hindi naman, ayos lang kung nadelete nyo ako sa blogroll ninyo. Pero sa loob ng dalawang, nandito lang ako, nagmamatyag, nakikiramdam sa mga nangyayari at maaring mangyari sa blogosperyo. Try nyo din maghibernate, mas exciting!

Magpapaalam na ang tag-init dito. Saksi ang unti-unting pagkatuyo at pagkalagas ng mga dahon ng maple na kelan lang ay sabay sabay na sumibol. Mapapadalas na rin ang ulan. Mag-gu-goodbye na sa mga mamahaling havaianas na parang di man lang napudpod bago itabi. Hindi ko sana ramdam na magpapalit na ng panahon dito kung hindi ko tinignan ang kulay green kong kalendaryo. Ugali ko na kasi yon lalo na kung katapusan - para magkwenta ng bayarin kahit walang pambayad. Hayy, mas exciting uli yon.

Teka, multitasking pala ang pag-uusapan. Meron ka bang ganitong kakayahan? Kaya mo bang gawin ang tatlong gawain at once? Ng tama? Asus! Ngingisi-ngisi ka jan! Ano ka may limang processor? Pero totoo, sa panahon ngayon, kailangan nating maging mas efficient. Mas maraming accomplishment in a day mas maganda. At mas magandang nagagawa naitn ito ng tama.

Ang multitasking daw sa konsepto ng tao ay isang kakayahan kung saan nagagawa nya ng sabay ang dalawa o higit pang gawain. Imposible daw ito at kung mangyari man kadalasan sayang lang oras kasi di naman nagagawa ng tama dahil sa hindi pagkakaroon ng sapat na atensyon doon sa ginagawa. Ang utak daw kasi ng tao, ayon sa mga pag-aaral, ay makakapagperform lamang ng isang task at a time. Kailangang pagjumejebs, jebs ka lang, di pwedeng umihi. Magkaiba ang charging non. Wala huya! Ganon?

Sa isang progresibong bansa katulad ng Suisse, masyadong mahalaga ang bawat oras. Walang dapat masayang. Masyadong matindi ang kompetisyon. Masyadong mabilis ang takbo ng buhay na kung pabaya-baya ka ay talagang mapag-iiwanan ka. Kasimbilis ng pagpalit ng panahon ang pagbago ng buhay na kailangan mong habuli para makasabay ka sa standard. O ha! Di ba stressful? Kung kaya dapat talaga magmultiply este multitasking. Mas maraming trabaho = maraming kita. Kung pwede nga lang na 24 oras ka magtatrabaho bakit hindi. Pero kasi tao tayo at kahit nga computer nababug down. It's only a matter of choice.

Sabi din sa isang pag-aaral, mas magaling daw sa multitasking ang mga babae kesa sa mga lalaki o kadalasan daw sila ang nagmumultitask. Ibig sabihin din ba nito e mas maraming mayaman na mga babae kesa sa mga lalaki? Statistics, statistics! Pero sabi ng iba, dagdag pogi points daw sa lalaki kung epektib kang magmultitask. Good husband material ka daw. In layman's view, you are under de saya in the making. At tuwang tuwa ang mga babae nyan.

Ang sa akin lang, wala namang masama kung mahilig kang magmultitask. Mas maganda nga ang ganon, para ka na ring may superpower. Pero sisiguraduhin lang natin na tama ang output ng ginagawa natin. Kung kaya mong magluto habang naglalaba habang naliligo aba'y kakaiba ka nga pero siguraduhin mong di sunog ang niluluto mo, malinis ang pagkakalaba mo at suot mo underwear mo pagkatapos maligo. Focus on the quality ng gawa mo kesa sa quantity. Think of how did you do it rather than how much did you earn doing it.



This is, I think, a BETTER SUCCESS.


Read more...