Demo Site

Monday, March 31, 2008

illegal ENTRY


Naniniwala ako na malaking porsyento ng mga Pilipino na kabilang sa working class ang nagnanais na mangibang bansa dala ng kahirapan at kagustuhang umangat sa buhay. Karamihan kasi ng nakakausap kong mga kaibigan at mga kakilala ay nagsasawa na sa buhay Pinoy sa Pilipinas. Kaya nga, kahit anong paraan na lang, legal man o hindi, batid man niya o hindi, e kinakagat sa higpit ng pangangailangan kapalit ng nakikitang halaga na kikitain sa abroad. Nakakalungkot man isipan na merong mga nabibiktima ng pananamantalang ginagawa ng ibang kapwa nating Pinoy na sa halip na ginhawa ay nauuwi sila sa kapahamakan. Tsk..tsk..kaya nga laking pasalamat ko na kahit papano e maswerte pa din naman ako.

Karamihan din ng mga Pilipino dito sa Geneva ay mga illegal immigrants. Sa layman's term TNT daw. 'Di 'yon pasabog at lalong walang kinalaman sa mga terorista. Hindi lang naman sa Switzerland maraming mga iligal na Pinoy at hindi lang naman mga Pilipino ang nagti-TNT. Mas malaki pa nga porsyento ng mga Latinos. Lahat nakikibahagi sa amoy ng swiss chocolates, swiss watches, wines at hmm..cheese.

Eto ay kwento ng bespren kong si Lawrence. Wala s'ya sa Switzerland pero may katulad na karanasan din sa iba. His one way travel with round trip ticket.





NAIA, Manila Phillipines


Excited na s'yang umalis pero alam nyang walang kasiguruhan kong matutuloy ba s'ya o hindi kasi nga nagbabakasakali lang sila. Pito silang magkakasamang "lilipad" that day at s'ya lang ang walang pares. Maghapon silang bin-rief sa agency ng mga dapat nilang gawin, kesyo dito lang kayo pipila, eto ang pangalan mo etc..etc..'yong katulad ng nangyayari sa TV. Last minute na sila nagcheck-in at hindi sila sabay sabay. Napahuli pa tuloy siya pero hindi man sya nahirapan makapasok kasi meron na kaagad kontak sa loob. Naririnig niya ang PA na boarding na ang eroplano nila. Papunta silang Bangkok. Dahil sa maraming security check sa airport, pinahubad ng sapatos at sinturon at anything na may metal e pinaalis sa katawan. Mabuti na lang at hindi nya suot ang lucky underwear niya -- ang jockey na may metal button. Bagong style. Kaya dahil ayaw n'yang maiwanan ng eroplano, bitbit niya ang kanyang sapatos at sinturon habang hawak naman ng isang kamay at pinipigilan na 'di malaglag ang kanyang pantalon habang tumatakbo. At last, Bangkok, here I come na s'ya.


Bangkok International Airport
Bangkok, Thailand

Tatlong oras na nasa ere bago dumating sa Bangkok. Mga alas-singko na iyon ng hapon at apat na oras pa daw ang hihintayin pa uli lumipad papuntang Paris. Hindi ito ang unang byahe niya outside Philippines. Eto ay ayon sa pasaporte niya. Doon niya nalaman na advance pala ng isang oras ang Bangkok sa Manila. Ten days lang naman daw silang magtu-tour sa Paris kunyari. Sama-sama pa din naman silang pito kaya lang nagkahiwa-hiwalay sila pagdating sa Bangkok kasi iba naman ang destinasyon ng iba. Tatlo na lang sila ngayong magkakasama pati si "kuyang tagahatid". Boarding time na uli. Pila uli s'ya sa gate at pinili niya linya ng babaeng nagtsi-check sumabay. Smooth na sana lahat ng biglang nakialam ang isang bading na nagtetelepono. Siguro kasi gwapo s'ya, kinursunada ang bespren ko para i-check. Hmm...umaakyat na daw sa lalamunan ang betlogs niya sa kaba at nag-isip na babalik uli sya sa Manila. Hawak ng bading na thailander ang passport at boarding pass niya, may tinawagan ito pero lakas loob pa din ang kaibigan ko. Kukonti na lang ang nasa pila, kaya naisipan niyang magsinuplado.

LG: Excuse me, is there a problem with my passport? (aware s'yang meron)
Bading: Uhmm..is this really you? (habang nakatingin sa litrato niya)
LG: Yes. Why?
Bading: Are you sure? It looks like this is not you? (Pagkatapos ay itinabi sa mukha niya ang nakabukas na paasport at pinaghahambing ang letrato sa mukha niya.) This is not you. (Nilente na naman ang paasport at sinuri ang visa) When was the last time you travel?
LG: A month ago.
Bading: Where?
LG: In San Diego, California. (husss....imbento syempre. May US visa din kasi passport niya e)
Bading: So how long did you travel from Manila?
LG: (nag-isip. 'di naman nya kasi alam e) I don't know and how will I know. I'd been sleeping all throughout the travel time. And why are you asking me? Can't you see, I have my passport and all my visas are genuine. Now if you don't believe that it is me in the picture, it is not my problem but as far as I know, it's me. (basta may maisasagot daw s'ya)
Bading: Ok, I will let you get into that plane but we will hold your passport and you will have it once you've reach your port of destination and you will be responsible to the authorities there and, are you aware that if they prove that you did something wrong, all your visas will be cancelled and you cannot go to Europe your whole life?
LG: I do.


Kaya pinasakay din s'ya ng eroplano pero boarding pass na lang ang hawak niya. S'ya ang pinakahuling pasaherong umakyat. Hopeless na din s'yang makalabas pa ng Paris at paglapag niya dito, alam nyang babalik din s'yang Manila kaagad. Sa tension na nadarama, humingi sya ng tubig sa attendant, hindi masyadong ginanahan sa pagkain at lalong hindi nakatulog sa kakaisip ng diskarteng gagawin pagdating sa Paris. Minsan na syang nakarinig ng mga kwentong pinaghuhubad daw haban sinusuri, kesyo lahat ng gamit iniisa-isa at malamagng 'yon din ang mangyayari sa kanya. At iyon na ang huling sakay niya ng eroplano.


Charles de Gaulle International Airport
France

Pagkatapos ng mahigit sampung oras na byahe, nasa malaking airport na sya ng France. Nagpatihuli na namna s'ya ng baba. Hawak ng steward ang passport niya, sumunod sya dito hanggang sa immigration. Mahaba ang pila pero sumingit ang stewrad at pinatatakan ang passport niya tapos dinala sya sa kung saan niya kukunin ang kanyang luggage. Inabot sa kanya ang passport at ticket niya sabay sabing " Your luggage will arrive in 7 minutes." At umalis. Nauna na ang kaibigan ko sa tatlo niyang kasama. Hawak na niya ang bagahe niya at hinahanap ng mata ang lalaking nagdala sa kanya kanina. Pero wala, hindi na niya nakita. Kaya sinubukan niyang sumabay sa mga taong naglalabasan pero umuaasa saang inaabangan s'ya don sa exit. Pero wala, wala talaga. Nakalabas na sya ng airport at naghanap ng taxi. Kailangan niyang magpunta kaagad sa istasyon ng train. At nakahanap nga. Habang nasa taxi na, para siyang sisigaw sa tuwa. Nagkwentuhan sila ng driver at nalaman niyang Cambodian pala ito na may asawang Pilipina at ang lupit ng sound nya sa loob ng taxi -- kanta nga Asin Band. Mabilis silang nakarating sa Gare de Lyon. Doon nya napansin na ito yong train station sa pelikula ni Matt Damon na Bourne Supremacy ba 'yon. Nauna pa sya sa tatlong kasama niya. At lahat sila, sabay sabay na sumakay ng train papunta Italy. Ngayon relax na s'ya.


Mahirap din ang pinagdaanan niya. Pero lakasan lang daw ng loob at naging maswerte s'ya. Nanaig kasi ang kagustuhan niyang makaalis ng Pilipinas. Nasa Milan na s'ya ngayon at katulad din ibang Pinoy e tinitiis at ninanamnam ang hirap at sarap ng pagiging TNT.

Ang haba nito ano? O s'ya, pagod na 'tong mga daliri ko.



Read more...

Sunday, March 30, 2008

BORED

Linggo na po ngayon at ala-una na ng madaling araw. Natapos na naman ang isang napakawalang challenge na week-end sa buhay ko. Matapos madisgrasya ang gilagid ko dahil sa pagpasak sa bunganga ko ng, ano ba tawag 'don sa ginagamit ng mga dentista para daw sukatin ang ngipin kung nais mong magpagawa ng pustiso, bridge, brace at kung anu ano pang mga accesories na ikakabit sa ngipin? Oo, magpapagawa sana ako ng pustiso, 'yong tipong nagpapadagdag pogi points pero hindi nakakabankrupt ng pitaka. Kaya siguro sa inis ng kakilala naming dentista, white cement ang ginamint nyang panghulma.

Matapos makabawi ng lakas mula sa pagkapuyat, nauwi naman ang hapon namin sa isang bertdeyhan. 'Pag sinuswerte ka nga naman! Alam naman kasi ni Lord na mabait naman kaming kapitbahay kaya pinagpala kami at nailibre namin ang isang hapunan. 'Di ako masyadong nagpahalata na namamantala na ako kasi sinulit ko ang pag-kain kaya hanggang ngayon e gising pa kasi natatakot ako na baka mabangungot. Iwas karma..haha!

Doon ko nakilala ang isang Pilipino ring nagngangalang Eddie. Sa porma, animoy isang miting-di-abanse ang dadaluhan at daig pa ang isang kuripot na intsik magregalo -- isang nokia lang naman (di ko alam ang model). Hmmm..ganyan pala magregalo ang isang "pastor"? Mahilig ding magbato ng jokes at binibili naman ng iba. Jokes na sinaulo ata galing sa pinanood niyang Porkchop Duo. Haha..muntik na akong mapasigaw ng Boring..! pero mas pinili kong manahimik at kumain na lang ng palabok.

Nagdadalawang isip tuloy ako kung aanib ako sa relihiyon ng kapitbahay namin. Baka kasi maging close ko din ang "pastor" at maregaluhan din ako tuwing bertdey ko. Hehe...bawi biyaya! Sama ng binabalak ko.

Pastor, 'di kaya galing sa "diesmos" ng mga kasapi niyo ang pinambili mo n'yan? Pasensya na, nagtatanong lang.




- - - - - - - - - - - -





Isang oras mula ngayon ay magpapalit na naman ng oras dito sa Geneva. At isa din iyon sa inaabanan ko ngayon. Since, springtime na naman at pasummer na din kaya balik na naman sa standard time. Nag-uumpisa ng sumibol ang mga halaman, nagkakadahon na uli ang mga akala mo ay patay na mga puno, makulay na ang mga puno ng cherry blossom at pati mga tulips ay nagsisimula ng mamukadkad. Salamat at hindi na mukhang larawang black & white ang paligid.



Kasabay din nito ang pagbago ng oras na ipinagtaka ko noon kung bakit. Dito kasi, pagkagising mo nang alas-sais ng umaga ay para ng alas-syete at mas lalong mas maaga sisikat ang araw kapag summer na talaga. Kapag gabi naman, alas nuwebe na ng gabi e masakit pa ang sikat ng araw. Tamang tama sana ang ganito sa probinsya namin. Pwede ka pang magpatuyo ng palay. Tuloy mas mahaba ang araw kaysa sa gabi.

Kaya paggising ko bukas (mamya na pala), anim na oras na uli ang advance mg oras ng Pilipinas sa Switzerland.

O sige na at tatabihin ko na si Ningning ko.

Happy Sunday!


Read more...

Tuesday, March 25, 2008

an affair worth REMEMBERING

Hindi ko alam kung paano sisimulan ang entry kong ito. Hindi dahil parang yelong puro latak ang utak. Gasgas at parang komiks na klasik man itong linya na ito para ba sabihin ng mga nagbabasa kung ikaw ay manunulat at tagapakinig kung ikaw ay tagapagsalita, na excuse kung ikaw man ay magkamali. Hindi ako nagpapaka-klasik para kaawaan.

Hindi ko trip ngayon ang gumawa ng entry pero sige na nga. Hehe..kahit na konti lang ang nagbabasa. Pampataba ng puson err..puso ko iyon. Maraming salamat. Espesyal pala kasi ang araw na ito sa amin ni misis ko. Nakalimutan ko. Hindi ako oversex oy! Ito pala ang petsa kung kelan nagsimula ang lahat.

Today, four years ago, ang petsa kung kelan ako sinagot ni Ningning. Oo, ibabandera ko na namn lovelife ko dito. Korni man na parang Boy Bawang pero nangyayari. Korni pag-usapan ang love pero ito rin ang usapin kung saan lahat nakakarelate. Aber!...sino ang may matulis na nguso d'yan ang aangal? Anyway, nais ko alalahanin kung paano ang mga pangyayari exactly four years ago. Sarap....!

Nagtatrabaho ako dati sa isang pribadong kompanya na nagtitinda ng mga eyewears sa Pilipinas. Malaki ang sakop ko kaya naman kahit saang shop ako magpunta e kilala ako. Feeling...! At dahil nagpapakaamo ako sa superior ko madali kong nauto na kabitan ng internet ang computer kesyo mas madali maghanap ng data kapag meron akong internet connection. Syempre kunyari lang 'yon. Hehe..! Pero sa totoo lang masipag ako na empleyado kaya 'yon ang reward ko that time.

Araw 'yon ng Huwebes at katapusan na linggo ng buwan. Patayan sa paggawa ng reports. Kaya umaga pa lang e, kinokondisyon ko na ang sarili ko bago pa man ako umapak sa lobby ng Landsdale na abutin pa ako ng susunod na linggo para masubmit lahat ng benta. Ganyan ako katamad. LOL..Walang deadline kasi the line is always dead. Kapa dumating ako sa opisina ugali ko munang magtimpla ng kape at kung medyo makapal pa ang mukha e gagawa ng pansit kanton saka magsimulang magtrabaho. Tambak ang mga papel sa harap ko. Puro faxed reports ang nasa desk ko. Sosyal..nakadesk! Sambat pindot ng power ng computer ko. At dahil vintage na ang unit ko at naka Windows 98 plus may kung anu-anong naka-install, aabutin ng mga 14 years bago magbalik sa katinuan ang PC ko. Patagong nagcheck ng hotmail. Pakiramdam ko kasi magkakalagnat ako kapag 'di ko nacheck email ko first thing in the morning. Kaya sakripisyo ko muna ang effeciency ko. Syempre matagal magload. Parang stone age. Nang makita ko na kulay black ang inbox ko, sabay bukas bahala na kung may makasilip. Galing Swiss, amoy tsokolate pa. Akala ko isang ordinaryong email lang ni Ningning. 'Yong tipong nagkukwento ng kung anu-ano na gustong gusto ko naman basahin. Pero it was something special. Espesyal kasi sinasagot na n'ya ako. Tinatanggap na nya ang pag-ibig ko. Naluha ako syempre alangan naman ako umatungal. Napapangiti na hindi nila alam ang dahilan. Para akong hinihipan ng hangin sa bilis kong natapos ang trabaho ko. Kahit stress, 'di ako napikon. Pero maghapon na naandon ang ngiti sa labi ko. Ngiting aso! Pang-asar!

Parang kelan lang, nagliligawan pa lang kami. Oo, para sa iba isa itong boring na love story pero ang sa amin e nauwi sa magandang wakas. Mahirap magmaintain ng isang pagmamahalan na nasa magkabilang mundo, na kapag araw e gabi sa isa, pero kahit mahirap basta tunay kang nagmamahal, lahat nagiging madali.



'Di man natin naicelebrate ng
merong champagne o red wine ang araw na ito, tama na sa akin ang ikaw ay naging
akin.

Happy Anniversary, Ning.

Mahal na mahal kita.



Mainggit na ang mainggit at magtaasan na ang kilay ng mga badtrip pero mamatay man kayo sa inggit at sana 'di na bumaba ang kilay ninyo -- ang alam ko masaya ako.



Read more...

Monday, March 24, 2008

BASTA Abou

Akala ko masaya. Akala ko nag-a-unwind. Akala ko nagrerelease lang ng stress at pressures. Kaya s'ya nawala at nagbakasyon, sinulit ang mainit na panahon ng Mahal na Araw at ako ay umaasang sa muling pagbabalik n'ya ay susorpresahin n'ya hindi lang ako kundi lahat ng mga nagmamahal sa kanyang....BASTA.

Totoo. Nasorpresa talaga ako. As in...Hhhuuuwaaaatttt! At parang hindi makapaniwala na makikita ko iyon. Linggo ng Pagkabuhay pero parang namatayan ako , ng isang mahal sa buhay. Kaya tuloy hindi mawala sa isip ko hanggang sa kami ay matulog kung bakit siya nagpasyang magsara ng "bahay" sa kahit kanino. Nais kung malaman ang kasagutan sa tanong ko galing mismo sa kanya at mukhang pinalad naman ako na makita ko s'yang ...bling..bling..online. Our online conversation was like it was normal and he gave me his reason why he decided to close his blog. Nalungkot s'yempre ako kasi kahit milya man ang layo ko, pakiramdam ko at home pa din ako kasi alam kong naandyan lang s'ya. Basta andyan lang s'ya.

Hindi ko man ito laging sinasabi sa kanya pero s'ya ang dahilan kung bakit nabuhay muli ang interes ko para magblog. Ang isa sa mga dakilang mentor ko.
Kinumbinse ko s'yang bawiin ang sinabi n'ya pero noong huli kong buksan ang URL n'ya, bigo akong makita ang kanyang pagbawi. Nalulungkot man ako kasi naputol ang isang hibla ng bulbol ko..este..isang koneksyong nagdudugtong sa aking mga pinagdaanan pero nirerespeto ko kung anuman ang kanyang pasya. Sana nga lang magbukas s'ya uli ng bagong kuwan...Basta!

Abouben's BASTA...

...this blog is closed...

Sana nga lang hindi matatapos sa blog ang koneksyon namin. Magkikita pa din tayo.



Read more...

Friday, March 21, 2008

tuwing HUWEBES SANTO

Huwebes Santo na pala.

Damang dama ko ang katahimikan nito. Parang lahat ay nakikiayon sa kung ano ang meron ngayon at nagninilaynilay rin sa kung anumang pinagninilayan. Naisipang kung samantalahin ang katahimikang ito para muling alalahanin ang kunyaring nakaugalian naming magbabarkada tuwing sasapit ang Mahal na Araw.

Huling Holy Week ko sa Pilipinas e nagpaunta kaming Baguio. Akala ko noon, pagdating namin don, ibang klaseng pagninilay ang mai-experience ko. Iba nga talaga kasi para palang pyesta sa Baguio kapag Mahal na Araw. Kahit na maraming mga kung anong ipinagbabawal sa panahong ito, kesyo bawal kumain ng karne, bawal ang magsaya at tumawa, bawal magpatugtog ng malakas o maglikha ng kung anung ingay na makakaistorbo sa katahimikan ng sagradong araw na 'to, parang lalong naging kapansin-pansin ang mga ito. Sa dami ng tao, buhay na buhay ang Baguio kahit sa gabi.

Pero dahil ako ay isang debutadong Katoliko at namulat sa ganitong paniniwala, (paniniwala sa mga ipinagbabawal), e konting alalay lang. Sabagay kasi kaya nga ako naandon e para magreflect hindi ko alam na ganon pala 'yon don. Kaya naman nagpabalik balik ako doon. Dahil sa ukay-ukay. LOL!

Kadalasan kasi noon, mga wala pa kami masyadong alam sa SEX na sinasabi nila, pagkatapos ng vigil tuwing Huwebes Santo, e diretso kami sa bahay ng isa naming barkada. Naandon kasi siya lang ang ayaw payagan ng nanay nila na lumabas ng bahay at kung saan saan pumunta lalo na kapag gabi kaya ang siste, kami ang lulusob. Hindi rin namin kung bakit hindi natatapos ang usapan namin kahit pabalik-balik naman na inaabot kami ng hanggang alas-kwatro ng umaga. Purong usapan lang naman. Natigil lang ang ganitong gawain namin ng magkahiwa-hiwalay na kami.

Kaya kahit anong layo ko sa kanila, ito ang alaalang inihahatid sa akin ng Huwebes Santo. Isa lang din ang natanto ko -- miss ko na ang dating mga BARKADA ko.

Sana naalala rin nila ang Huwebes Santo namin noon.



Read more...

Tuesday, March 18, 2008

tamang QUESTION


Mahigit labinlimang taon ko na rin itong itinatanong sa sarili ko. Paminsan-minsan, nagiging paksa rin ito naming magbabarkada kapag wala ng maisip pag-usapan, kaharap ang isang bilog at kung swertehin, isang tinimplang long neck sa isang lata ng gatas na kondensada na may lumulutang na yelo. Kopiko ang tawag nila don. Hmmm..pero 'di ganon ang epekto ng sa kendi version, at walang kinalaman ang post kong ito sa kopiko. Napag-usapan lang. At dahil wala akong maisip na isulat, pwede naman sigurong sayangin ko ang oras para itanong din sa inyo to. (kung may sasagot) Sa ganitong paraan ako nagninilay ngayong Mahal na Araw.

Bweno, ito'y isang simpleng katanungan lamang. Pero karamihan sa mga tinanong ko nito, pawang pabiro lang din ang sagot na walang namang katuturan, parang si...hayaan na natin syang manahimik. Ang iba natatawa sabay tanong, "Ano ba 'yan?". Tama bang sagutin din ng tanong ang tanong ko. Tsk..tsk..

Hindi ito bastos pero bahala na kung ano ang dating sa'yo. Hindi ako bastusin lalong hindi ko ugali ang mambastos. Nagmamalinis lang kaya ako? Hehe..Walang mali-malisya.

TAMANG TANONG:

Nagtataka rin ba kayo kung bakit maputi ang frontal asset ng mga babae? Kasi nakatago. Tanong uli. Bakit ang yagballs ng mga lalaki, nakasupot na nga't lahat e bakit maitim pa rin? Magreact na ang may mga maputing betlog dyan.

Nagtataka rin ako. Bakit kulot ang pubic hair? Regular ko namang sinashampoo at may conditioner pa pero lahat ata peke kasi parang bermuda grass pa rin at
hanggang ngayon kulot pa rin?

'Yon lang. Sana meron itong scientific explanation.


Read more...

Monday, March 17, 2008

Paalam 3250


Wala akong balak magpasosyal. Hindi ko ugali 'yon at isa pa wala akong karapatan. Ayaw kong isiksik ang sarili sa isang kaugalian, kung ganito man itong matatawag, na hindi ako komportable dahil magmumukha akong trying hard na tanga. Kaya nga nagkaroon ako ng panuntunan sa buhay na "Ilibing ng buhay ang mga pasosyal!" at kinakanta ko pa 'yon.


Mga dalawang taon ko na ring ginagamit ang mala-ice scraper kong cell phone na Nokia 3250. Mabigat pero cool na cool sa music lalo na kapag finul volume ko ang kanta ni Tuesday Vargas na "Kuya, 'Wag Po." O di ba, jologs na jologs.


Martes noong nakaraang linggo ng naisipan namin ni misis ko na dumaan sa isang mobilezone para magcheck kung ano ang bago nila. Whoaaa...ang dami pala pero 'di ko tinitingnan lahat. Sasakit lang ulo at loob ko kasi 'di ko naman matake home lahat. Iniisip ko na lang "hmmp..mas bago mas komplikado mas maigsi ang lifeline. Ok na yong basta maka-talk and text." Period!

Sa katitingin sabay tanong sa "tindero" kung pwede namin maextend ang existing contract namin, umuo sila, pinamili kami at wala naman kaming binayaran kahit singko, isa pa wala naman akong dalang pera kasi magtatanong nga lang, kaya heto ngayon..dyaran....




Ang bago kong Nokia 6500 Slide dahilan para ako mamulubi ng dalawang taon at kung mamalasin pa baka gagawin kong sinigang ito kapag wala na kaming maulam. O di ba, for a change, sinigang na cellphone.


Pramis, hindi ito ang magiging huli kong telepono. Hehe...akala ko tigil na.

Read more...

Friday, March 14, 2008

wishing WHEELS

Hindi ako mahilig sa sasakyan. Ewan ko nga din ba? Siguro kasi masyadong maluho ang hilig na ganito, masyadong mahal para sa isang katulad kong isang hamak na tagadampot lamang ng "tae" ng aso. Pero 'di ko iyon ikinakahiya bagkus, iniisip ko na mas maswerte akong di hamak kesa sa iba jan na namamalimos at halos ibenta pati kaluluwa para kumita ng pantawid gutom. Dala na rin siguro ng kung papano kami iminulat sa buhay ng mahal naming magulang kung kaya maksakay lamang ng traysikel e para na rin akong naka-Lexus. Kaya kapag nagtitipon ang mga extraordinary gentlemen at napunta ang usapan sa wheels e bigla akong natatameme at nalolost. Napakatechnical ng mga terms and hindi masyado nadadigest ng kaisipan ko. Kapag kasi nagtitipon kami ng barkada ko dati, di naman kami nag-uusap tungkol sa wheels e kasi naman lahat kami, traysikel at karo lang ang alam. Wheels-less nga ika.



Pero kahapon, since taong bahay na naman ako at meron akong free ticket galing sa magaling kong amo, inaya ko si misis ko (ayaw nyang patawag ng pangga kasi daw parang sa tawagan ng mga tibo) kasama ti Bogoy namin na pumunta sa Geneva International Auto Show, para naman di masayang ang nilibreng ticket. Twice ko na tong naexperience. Masyadong nakakalula, pareho -- ang taong nanonood at ang mga wheels na bagong labas. Andon lahat. And since, naandon na rin lang kami, syempre di mawawala ang obvious na di pagkahilig sa iy*tan este piktyuran. Pretending na kunyari e gusto ko i-take home lahat ng naandon.


Pero meron kaming hinahanap ni misis. Since car show ito at hindi boutique, walang bag at walang choker na pwede namin idagdag sa collection. Hanap nami ang dream car namin (an lupit!) na pwedeng ipapackage katulad ng pinadala kong wine kay Abou. In short, folding na car parang folding bed, folding umbrella at iba pang natutupi para namamaximize ang espeys. Pero wala pa yatang nakakagawa ng ganon. Sana mabasa ito ni Ferrari at maintindihan. (wish ko lang! 'Sus!) Eto ang napagkasunduan namin pag-ipunan. Isang Cayenne na nagkakahalaga ng nakakalulang 140,000 swiss francs, mga 5.3 million pesos..seso..seses lang naman. Mababa pa ang rate ng swiss francs n'yan. Wheww...

Eto pa ang ilan sa mga ebidensya.







O kitam! Libre ukay. Kasi di ko maiuwi lahat kaya eto souvenir na lang.



Read more...

Tuesday, March 11, 2008

sa isang KAIBIGAN



Dear Abou,


Salamat at natanggap mo na din ang padalang red wine ko kahit na nagdadalawang isip ka pang inumin. Hindi ko alam kong nanghihinayang ka dahil sa presyo o dahil sa sentimental value ng berdeng bote na yan. Alam kong parehong mali ang alinman sa hinala ko.

Pwede namang hindi ako mag-aksaya ng panahon para bumili dahil nagsale, balutin ng dyaryo at plastic at ilagay sa kahon sa pagitan ng mga tsokolate dahil alam kong isa ka ng "totally organic" na tao ngayon pero minabuti ko pa rin na gawin dahil iyon ang gusto ko hindi dahil meron akong gustong patunayan. Para isang bote, 'di ka nyan malalasing. Swerte mo di ko naisip balutin ang isang kahon.

Salamat sa pag-aming ikaw ang utak sa gabi gabi nating pagtatagay ng bilog, lapad o long neck na may kasamang isang malaking lata ng del monte at sa pag-antay sa akin bago ninyo simulan ang magdamagang paglalagok nito sa pagitan ng paulit ulit na kwentuhan at paminsang minsang pag-uusok ng bibig. Kung ako man ang nauunang pumikit at humilik, aba'y dapat lang kasi naman alas kwatro ng madaling araw e nag-uumpisa na akong trabahuhin ang mikropono at kayo ay gisingin. Swerte mo at mahaba ang oras ng pahinga mo kaya kahit ilang litro pa ang tunggain mo e ayos lang.

Alam kong masyado ka ng concious sa mga abs mo ngayon kaya sigurado ako na hindi na muli mangyayari ang mga bagay na 'to katulad noon. Pero kahit gaano mo man i-deny, sigurado rin ako na paminsan-minsan ay tumitira ka. Oo, malay ko sa mga oras na offline ka at nagkukunyariang natutulog, naandon sa ihaw ihawan namumulutan.

Pero sana, malasing ka man n'yan o hindi, isa lang ang gusto kong sabihin. (madami na pala akong nasabi) Higit sa kung ano pa man, isang pasasalamat 'yan sa pagkakaibigan. Sa mga time na pinapalitan mo ang songs ko sa playlist ko, sa mga panahon na pinag-iinitan ako ni mike dahil sa ako'y late dahil sa hang-over at sa mga panahong namamalimos ako sa inyo. Hekhek...kulang pa na pambayad kahit lunurin ka pa namin sa drum ng pinaghalong red wine at tuba ni tatay.

Malayo man ako e mas lalo akong napapalapit sa inyo pati na ang pamilya ko. (lang'ya!..emo ang dating) Kaya hindi ko sinamahan ng pulutan yan e kasi, personal kong dadalhin sa inyo, kung kelan, 'wag mo nang antayin. Sisimutin ko muna swiss francs dito ng maibahagi ko din sa inyo. (an' lupit!).

Hanggang sa muli.

Salamat.


Ponchong
Read more...

Saturday, March 08, 2008

usapang ICE



Wala akong maisip na magandang ikwento at ipost. Parang di ko alam papano simulan. Nagkacountdown naman ako kasi may trabaho pa. Pero may oras pa naman ako para sa blog ko. Ayayay...frozen ang utak ko. Ayoko ko ng ganito. Malakas talaga tama ng global warming. Ano naman kinalaman non sa akin?



Kahapon, binigyan ako ng amo ko ng isang libreng ticket para sa intenational auto show dito sa Geneva. Excited ako kasi bago umalis ng bahay, tinanong ko si Pangga ko kung pwede ba kami pumunta. "Kung may pera ka." Ang layo ng sagot sa tanong ko. Oo o hindi lang naman ang kailangan ko. Very timely sana para sa Linggo. Umalis ako ng bandang 10:30 sa trabaho na dapat at 11:30 pa. Hmmm...walang amo e. Nagpaalam sa akin, papasok daw sya sa trabaho. "Have a good day, Sir" sabi ko kaya ako nakaeskapo. Asa kalagitnaan na ako ng papunta sa bus stop ng parang naisip ko na man nakalimutan ako. Meron. Wala. Meron. Meron nga...ang tiket. Puta, balikan mo. Ayoko malapit na ako sa bus stop. Ayon naiwan nga. Kinarma kaagad ako. Tsk..tsk..




Habang pauwi na ako, eto ang view na makikita sa Geneva Lake ng mg sandaling iyon. Nafrooze na tubig na naiwan sa mga bato sa gilid dala ng mga alon dahil sa malakas na hangin. Hindi ito snow..ice na! At parang ganyan ang utak ko ngayon. Parang ice, frozen.


Kaskasin nyo nga at gawing halo halo!



Read more...

Thursday, March 06, 2008

bago ang MARRIED LIFE

Nasubukan mo na bang mag-asawa? Ganda ng tanong ko ano? Parang true or false lang sagot. Parang...parang...parang simpleng tanong lang.

Bweno, ang akala ng mga kaibigan, kapitbahay at ilang mga kakilala at akala ko rin, ako ay magpaPARI. (Ows!) Oo. Masyadong akong active sa simbahan noon. Mula pagiging sakristan, nagiging tagabasa, naging youth lider (walang iy*tan) at facilitators at kung anu ano pa. Hanggang sa noong 4th year high school ako. Ipapadala ako (2 kami noon sa parish) sa seminaryo noon para magtake ng exam, preliminary interview at pumasok next school year. That time nagkaroon na ako ng delimma. Tama ba ang ingles ko? Parang ayoko na. Bakit kaya ayoko na? Dahil din iyon sa babae. May girlfriend ako that time kaya nagdadalawang-isip ako. Pero tinuloy ko pa din. Kakahiya na kasi dahil napasubo na. Sagot na ni Padre ang pamasahe at allowance namin. At ang di ko makalimutang tanong ng rector sa akin: "Why do you want to be a seminarian?" Siguro malakas epek ng sagot ko kasi napakabrief lang. "I want to be a priest." Period.

Nakapasa ako pero di na ako bumalik pa para sa second screening. Kahit doblehin pa ni Padre pamasahe at allowance. Mababaliw syota ko. Haha..pero ipinagpalit din ako sa hikaing intsik pagkalipas ng isang semester. Kaya nagfocus ako sa pag-aaral. Walang syota syota sa college kaya akala nila lola ko si Tita Swarding . Hmm...isa pa di pa malakas loob ko manligaw. Paano kung naging kami e, paano ang gastos sa date, kahit siopao lang at softdrinks; panregalo at pag nagkataon, pambili ng condom at pambayad sa otel. E allowance nga wala. Boarding house ko nga 2 ang a half years ang binayaran ng nanay ko pagkagraduate. I can't imagine. Swerte na lang at iskolar ng bayan ako. Putcha!

In short, virgin ako ng grumaduate ng college not until nagkagirlfriend uli ako. Di ko alam kung coincidence lahat ng nangyayari peroa at that time nag-apply ako para mga Theology sa Ateneo sa congregation ng Jesuits. Ayos na sana. Sinagot na ng school ang application ko. Pero may girlfriend ako kaya nagmissing in action ako sa kanila. Di ko na sinagot ang sulat ng Jesuits. And after a year din, inisplitan ako ng girlfriend ko sa bispera ng birthday ko dahil pakakasal daw sya sa ex nya. Para ako sabog non. Sobra akong nasaktan kasi sobra akong seryoso. Umiyak ako (sa tuwa) loko lang! Pero mga anim na buwan din akong nagmumukhang gago non. Letseng pag-ibig talaga. Pag minalas ka, malas talaga.

Not until, ipakilala kami ng tyuhin ko sa pangga ko ngayon. Mahirap din ang love story namin kasi long distance love affair. What an affair! May mga sumang-ayon at meron ding kumontra. Meron ding deadma. Pero, para akong walang pakialam. Napasalang ako sa hotseat ng minsang interbyuhin ng tito nya pero di ako natinag. Mag-isa akong pumunta ng Catanduanes para mamanhikan. Ipinaglalaban ko kasi ang malinis kong intensyon kaya di nila nagawang ilayo sa akin si ningning. Kaya sa pirmahan ng papel nauwi ang usapan para matapos ang lahat at mapatunayan. Walang nakakaalam na nagpakasal ako kahit nanay at tatay ko hanggang umuwi ako ng Maynila na may gintong singsing sa daliri. Married na ako!

Lab stori pala 'tong ginagawa ko. Akala ko merid layf ang ipopost ko. Saka na siguro yon.

Sa susunod uli.

Read more...

nanay si TATAY

Taong bahay.

Ganito ako ngayon. Maghapon na nag-alaga sa may sakit kong anak. Hindi kasi pwedeng dalhin sa "school" nya kasi nakakawa ang sakit na meron sya ngayon pero siguro sa mga makapal na ang balat e deadma na. Maliban syempre don, nagpart time ng house works as in ang normal na "taga" na kadalasan e nangyayari sa mga husbands kapag ang mga wives ang nagbabanat ng buto. Medyo sensitive nga pakiramdam ng anak ko kaya na-immune na rin ang tenga ko kapag trip nyang magvocalize para siguro gumaan ang pakiramdam. Hirap talaga kapag winter dito.

Maghapon na hindi lumabas. Maliban kasi sa walang trabaho at sa tuksong internet sa bahay, grrr....ang ginaw sa labas. Putcha! Ok lang na maginaw pero pag sinamahan ng hangin, ay naku, siguraduhin mong mga anim na patong ang damit mo, mga sampung kilo lahat ayos na yon.

Para di kami mabored dalawa ng anak ko, nagsalang ako ng animated film. Hmm..masubukan nga attention span ni Geodric. Mga 10 minutes ding ok sya pero pagkatapos non kelangan iba na naman gimik mo. Spoiled talaga. Hehe...

Limitado rin ang galaw ko kasi nga namamaga pa din ang paa ko. Pero kapag inabot ka talaga ng malas, tuloy tuloy na 'yon at talagang lubus lubusin na. Iniingat ingatan ko syempre na di masagi o mabangga sa kung saan ang parang binotox kong paa sa tambok pero kung kelan mo naman ginawa saka nangyayari ang pinakaayaw mo. Nanoon ng Baby Einstein si Bogoy (hehe..einstein yan, in various languages). Jijingle ako ng pak...bigla tumama ang paa ko sa pintuan. Xet..xet..di ako makasigaw sa sakit. Gusto kong magmura pero parental guidance dapat. Timing na timing nasa part ng "Mary had a little lamb" na kinakanta ang pinapanood si Bogoy. Biglang sigaw ng "Papa, sing. Papa, sing." Ako lang ang gusto nyang kumanta non la ng iba, pag may sumabay, eto sa yo, "No". Namimilipit pa din ako sa sakit. Bumabalik ang pakiramdam ko noong 'di sinasadyang mabangga ng isang pasahero sa dyip ang pigsa ko sa binti. Ang sarap tirisin. Kung may special power lang ako, ginawa ko na syang key chain. No choice. Kung hindi ko pagbibigyan si Bogoy, sigurado, magkuconcert yon. Kaya nakanta ko ang "Mary had a little lamb..." ng naiiyak. With matching laway lunok. Bilat sing....

Kaya mahirap din talaga maging tatay. Kamusta man kaya ang pagiging tatay ng tatay ko noong maliit pa kami. 'Di siguro kami masyado demanding kaya wala syang masyadong pressure. Ayon at naging anim kami.

Hus..pero masaya ako. Masayang masaya.

Read more...

Tuesday, March 04, 2008

PIRATED

Sa panahon ngayon, kung saan wala ng mura at hindi na rin uso ang libre, kadalasang naghahanap tayo ng maagarang alternatibo para tugunan ang kung anumang pangangailangan. Sa pagsibol ng kulturang "instant", madali at lalong 'di mahirap sa ating mga Pilipino ang mag-adopt sa ganitong istilo. Kasi daw flexible at elastic tayo, parang lastiko. Kaya tuloy dumami ang mga nagkahilig sa ukay-ukay at made in china.

At speaking of made in China, alam kong kahit anong bagay ngayon ay napipirata, naku-clone, nakokopya -- gaya gaya, puto maya. Kung sa Pilipinas nga e nahirapan si Edu at mga tauhan nitong sugpuin ang talamak na pamimirata ng mga kung anu anong video, music, softwares, at kung anu pang nasasalin sa isang disc, 'di na rin siguro kataka taka kung ito man sa makalabas ng Pilipinas. Iba talaga tayong mga Pinoy.

Actually, wala namang kinalaman sa music o videong pinirata ang ipopost ko ngayon. Pero ito ay magbubuking ng isang sikretong 'di lang naman ako ang gumagawa. At talagang aaminin ko din. Oo, ako ay PAPAYA KING. Mga anim na taon ko na rin sigurong inaalagaan ang sensitibo kung balat sa mukha ng isang papaya soap. Ang akala ko kasi noong una, talagang puputi ako 'pag eto ang ginamit ko at hindi safeguard. Pero hindi pala, 'wa epek sa akin ang pumuti at 'di rin naman pinangarap pa na magmukhang Michael Jackson. Pero sa loob ng mahigit kumulang anim taong paggamit nito naging komportable ang dating balat aso kung mukha, ngayon naging mala-"anghel" na (in " "). Ibig kong sabihin, iba talaga ang nakasanayan. Kaya nong huling ni misis ko sa Pilipins, mga labinlimang piraso ang dala niyang "Likas", baka kasi la nag espasyo para sa mga tuyo at daing.

Pero mag-iisang taon na din yon at ubos na ang stock ko. Matagal na naman bago umuwi sila. Kaya bumili na lang kami sa isang Asian store dito. Indian ang may-ari. Kung sa Pilipinas, Bombay. Kuha kami ng dalawa kaagad. Mga tatlong araw ko narin sigurong ginagamit ng mapansin kong medyo may kakaibang epekto sa angelic face ko ang sabong ito. Instead na kuminis, parang gumagaspang at parang nagmumukhang nahulugan ng langka ang mukha ko at ang hapdi. Anong nangyayari? Kaya tuloy nagduda ako na baka peke itong sabon na ginagamit ko. Buti na lang di sa kakahalungkat ni misis ko ng mga gamit sa kabinet, meron pang natirang galing Pinas. Aware naman ako na meron ngang pirated version ang Likas Papaya. Kaya pinaghambing namin.

Eto ang ilan sa kaibahan ng totoo at pekeng Likas ayon sa akin:
  • Mas matingkad ang kulay ng package ng original at pati ang nagrereflect na logo nito.
  • Malinaw ang pagkakaprint ng "manufacturing number" ng original.
  • Magkaiba ang font style ng pagkakasulat ng teksto ng "award" ng original. Parang times ang original at parang courier naman ang isa.
  • Magkaiba ang amoy. Parang amoy mantika ang original at mabango naman ang isa.
  • Pag gamit na, mas pino ang texture ng original.
Hindi ito isang ad at lalong walang binyad sa akin ang kompanya ng Likas. Kacheapan man itong masasabi pero may nais lang din akong iparating. Maging mapanuri sana tayo sa produktong ating binibili lalo na kapag may kinalaman ito sa ating kalusugan at syempre, kaligtasan. Hindi porke mura e sunggab na tayo. Sa huli e, ikaw din ang lugi.

Be wise. Gamitin natin utak natin. Sayang. *_*

Read more...

tanging NANAY

'Di ako nakalimot, masama lang kasi talaga pakiramdam ko kahapon dala ng nararamdaman kong sakit. Pero ayos lang, pagaling na naman e.

Yesterday was a special day for this very special woman in my life. Nakikipaghabulan ako at nakikipatintero din sa mga busy commuters kahapon when my cellfone rang para i-remind ako.

"8:00 AM -- Nanay's Birthday"

To the most wonderful mother in the world, HAPPY BIRTHDAY Nanay.



Be Strong.


Read more...

Sunday, March 02, 2008

early SUNDAY

Ang aga ng posting ko na 'to. Kagigising pa lang namin actually at wala pang almusal. Ang aga kasi ng alarm namin e kaya walang choice kundi ang idilat ang mga mata kahit na sarap na sarap ang akapan namin ng pangga ko. Hmmm...


Hindi kasi maganda ang pakiramdam ng junior ko (anak ko). May lagnat na naman. Akala ko nga nanggugudtaym lang at baka naglagay ng dinikdik na bawang sa kilikili para uminit ang pakiramdam. Hindi pala. Totoo pala kaya madaling araw din e napagising kami. Ganyan usually kapag may sipon at ubo, nagkaka-ear infection kaya kawawa ang mga bata dito kapag taglamig. O baka nag-iipin din. Siguro parang binunutan din ng ipin ang sakit. Ano ba nag masakit, ang tutubuan o bubunutan ng ngipin? Ewan.


Dalawang linggo na din ang nakaraan ng bumili ako ng bagong sapatos. Sale lang kasi. Para na din ito sa summer. Excited gamitin at pomorma kaya feeling prinsipe na naman ang mga paa ko. Hehe..ang resulta eto. Namamaga na naman ang paa ko. Kakahiya man aminin pero nasa old age na ang paa ko. Sabi nga ng doktor kong mukhang laging lasing at di nagtotoothbrush, noong first time ko magpatingin (ng paa), " ah, inflammation due to rheumatism.." Ang lupit..namana ko kaagad ang pinakakaingatang yaman ng tatay ko. Naging dahila lang ang bagong sapatos. Ganyan kung minsan ang napapala ng mga pasosyal (isa ako don). E kasi parang ref pa ang lamig, magsuot ba ng sneakers. Ayon, naabsorb na paa. Paano na ngayon ang chinese garter? Harhar...


Pero kahit masakit ang paa, walang makakapigil sa akin para magblog. Kaya lang sana, 'wag naman mga kamay ko ang atakehin. Mawawalan ng karir si Mariang Palad nyan..Haha..

Baka kung saan mapunta ang usapan, ke aga aga.


Makag-almusal nga..


Bonne weekend!

Read more...